NEW LAW
Ang bagong batas para sa ating mga senior citizens ay nalagdaan na ng ating pangulo nitong Nov. 5, 2014 at na-publish na rin noong isang linggo sa mga diyaryo. Ito ang Republic Act 10645 or “An Act Providing for the Mandatory PhilHealth Coverage for All Senior Citizens”. Limamput-limang araw pagkatapos mailathala ay magiging effective na ang batas. Sa kabilang banda, gagawan ito ng tinatawag na implementing rules and regulation.
Nakasaad sa batas na ito na ngayon ay mandatory, na ang PhilHealth coverage para sa lahat ng senior citizens, lalo na iyong mga hindi pa miyembro. Sila ay aanyayahang mag-miyembro na ng PhilHealth. Malaking kapakinabangan sa kanila ito at ang magpo-pondo dito ay yung tinatawag na Sin Tax revenues.
THE PROCEDURE
Kinapanayam namin si PhilHealth Vice President for Corporate Affairs Dr. Israel Francis Pargas sa aming pang umagang palatuntunang Kasangga Mo Ang Langit sa DWIZ at napapakinggan din sa mga RPN provincial radio stations nationwide.
REY: Paano po ang proseso ng mga bagong magpaparehistrong senior citizens?
DR. PARGAS: We will be coming out with a specific rules and regulations para po dito, at sa susunod po siguro na mga araw o linggo, i-aannounce natin kung papaano ang magiging mekanismo para ang mga miyembro at para rin sa hindi pa miyembro ng PhilHealth na maging miyembro na nitong ating korporasyon. Pero ito po ang tinitiyak natin sa lahat po ng mga senior citizen na hindi pa miyembro ng PhilHealth: huwag po silang mag-aalala at sila po talaga ang makakakuha ng benipisyo ng ating insurance na ito.
BENEFITS CLAIM
REY: Doc, paano kung saka-sakaling nagkasakit ang isang Senior citizen at hindi pa tapos ang tinatadhanang 15 days publication?
DR. PARGAS: Opo, actually po 15 days after the publication ang magiging effectivity ng batas pero kasama po sa proseso ng batas na ito ay ang paggagawa ng implementing rules at regulations. Kung halimbawa naman po na may mga nakatatanda na ma-confine in between those days, napakarami pong pamamaraan para makakuha ng benipisyo sa PhilHealth, lalung-lalo na kung sila ay hindi pa miyembro. Mayroon po kaming tinatawag na point-of-tail enrollment kung saan sila po ay mako-confine sa atin pong pampublikong hospital at sila po ay imimiyembro mismo ng hospital na kung sila ay mapapatunayang indigent o walang kakayanan, at right there and then po, makakakuha po sila ng benipisyo ng PhilHealth.
NO COST FOR SENIORS
REY: So maliwanag ang sinasaad sa batas na wala nang babayaran pa ang mga senior citizens dito, Doc.
DR. PARGAS: Well ang sinasabi po sa batas ay yung lahat po ng hindi pa currently members ng Philhealth ang imi-miyembro at gagamiting pambayad sa premium contributions ay yung proceeds coming from the Sin Tax. So kasama po sila sa revenue ng Sin Tax at ang magbabayad na ng premium contributions ay ang tinatawag natin na national government.
PLUS PLUS BENEFITS
Ang benepisyo na nakukuha ng mga paying members ay makukuha rin ng mga senior citizens, walang pagkakaiba ang kanilang benepisyo. At may dagdag pa sila, dahil nandiyan pa rin yung benepisyo na 20% discount na binibigay talaga under the Senior Citizens Law. Nandiyan rin ang iba pang benepisyo na katulad ng vaccine sa lahat ng mga miyembro na 50 years old and above at dependents na kukuha sa discounted rate, may add on benefits ang ating nakatatanda.
SIN TAX REVENUE SUPPORT
Kung ating susumahin nitong mga nakalipas na taon, malaki na rin ang tulong na naibigay ng buwis na nagmumula sa sin tax. Nitong nakalipas na taon, ang gobyerno ay nag-enroll ng may 14.7 million indigent families. Ito ay katumbas ng may 46 million individual Filipinos, na ngayon ay nagkakahalaga ng P35 billion. Ang pinambayad dito ay nanggaling mismo sa revenues ng Sin Tax.
DR. PARGAS: Sa 2015 po ay mag-i-increase ito ng around P37 billion, so ibig sabihin po, yung ating talagang revenues sa Sin Tax ay makakatulong sa kalusugan ng ating mamamayan so napakaganda actually ng magiging resulta nitong ating Sin Tax revenue at sana nga magpatuloy para patuloy na suportahan ang pangkalusugang pangkalahatan ng gobyerno.
ONLY FOR NON MEMBERS
REY: Doc, siyempre ang mga dependent ay meron nang pangalan sa Philhealth dahil yung kanilang principal ay aktibong miyembro. Ang mga dependent ba na senior ay kailangan pa ring magpa-rehistro ng separate?
DR. PARGAS: Hindi na po. Sinasabi naman sa batas ngayon na yung mga hindi pa miyembro sa anumang sektor o dependent ang imi-miyembro natin para masigurado din natin ng lahat ay miyembro. Kasi, unang-una, kapag ikaw naman ay declared as dependent, lahat naman ng benepisyo ay makukuha mo. So, hindi na kailangang mag-declare pa. Ito naman po ay para din masigurado na yung perang gagamitin natin ay para doon sa lahat ng hindi pa miyembro para ma-utilize natin at mamaximize ang ating pera from the revenues ng sin tax.
PREMIUM CONTRIBUTION
REY: Ilang billion nga ba ang initial na naibigay sa PhilHealth para sa ating makikinabang na mga senior citizens?
DR. PARGAS: Yun pong naibigay initially sa PhilHealth for premium contribution for 2014 ay P35 billion. Iyan po ay para sa enrolment ng 14.7 million na families. Sa 2015 budget po ang naka-propose para sa premium contribution ay around P37 billion, para sa 15. 5 million families naman.
SUMMATION
Ang naging controversial na Sin Tax na inabot ng katakot-takot na batikos at kritisismo, ngayon at least ay may magandang kapakinabangan na at pagbabago sa kanyang imahe. Dati rati marami tayong mga kababayan na takot na tumanda o magka-edad, pero ngayon, sa dami nang mga benepisyong natatanggap, willing na silang umamin at yapusin ang pagtanda. Marami na ngayon ang naghahangad matikman at masubukan ang sinasaad ng batas na siyang kakalinga sa ating mga nakatatanda.
Ang mga benepisyong tulad nito ay nagsisilbing “Fountain of Youth” ng ating mga senior citizens. Estimated na six million elderly Filipinos pa ang mabibiyayaan sa safety net at bagong batas na ito.
Ito ay uri ng makabuluhang pasasalamat sa kanilang nai-ambag sa ating bayan, sa kanilang maiiwang legacy. Sila na nagsilbing huwaran ng mga magulang, na gumabay at humubog sa kanilang mga anak at mahal sa buhay, at humarap sa napakaraming mga pagsubok na magsisilbing patuloy na inspirasyon ng ating mga kabataan.
QUOTABLE QUOTES
“After a lifetime of working, raising families, and contributing to the success of this nation in countless other ways, senior citizens deserve to retire with dignity.” - Charlie Gonzalez
“Aging is not lost youth but a new stage of opportunity and strength.” - Betty Friedan
“There is a fountain of youth: it is your mind, your talents, the creativity you bring to your life and the lives of people you love. When you learn to tap this source, you will truly have defeated age.” - Sophia Loren