Nakalulungkot ang pagkakasunod-sunod ng pamamaalam ng ating mga media friends kamakailan. Ang pinakahuli nga rito ay si Tony Calvento. Ang sabi ko kay JR Langit-
“Anak nagre-request ang mga pamilya nila na magsalita ako sa eulogy, ano tingin mo?”
JR LANGIT: “Dad, una mga kaibigan mo yan, at ikalawa mabuti nang ikaw ang nag bibigay ng tribute sa kanila, kaysa sa ikaw ang bigyan ng ganyang tribute.”
THE EULOGIUM
Dumalo ako sa eulogy ni Tony Calvento, puno ang chapel 3 ng Heritage Park, Taguig ng mga kamag anak at ilang kaibigan na nakikiramay. Madamdamin at malaman ang mga binitiwang salita ng kanyang dalawang anak na sina JC at Sonny Calvento.
Isa sa mga naging mariin at malakas na tanong ni JC Calvento sa kanyang eulogy ay- ” Dad nasaan ang mga taong natulungan mo, nasaan ang mga taong itinuturing mong kaibigan, nasaan sila ngayon?”
May malalim na pinag uhugutan si JC Calvento.
Kadalasan ang pagiging over protective ng magulang o ng isang ama sa anak ay nabibigyan ng ibang pananaw ng mga kabataan. Ito naman ang tema ng eulogy ni Sonny Calvento. Umabot siya sa edad na 27 anios bago niya nasubukang mag-commute at sumakay sa MRT. Hindi siya naihatid ng kotse dahil inaway ni Tony ang driver.
Ang mahigpit na pagbabantay sa kanya ng Amang si Tony ang mamimiss ni Sonny ngayon. Sinariwa rin ng nakababatang kapatid ni Tony Calvento ang nakaraan. Ang pagkakahilig ni Tony sa baril-barilan ng pagkabata ay nadala dala nito hangang sa kanyang pag tanda. Inaako niya ang atraso ng iba, siya ang nakikipag suntukan sa away ng kapatid. Kaya sa kanyang pag tanda, naging adbokasiya ni Tony ang ipag laban ang karapan ng iba. Tulad ng kanyang programa sa Radyo na “Hustisya Para Sa Lahat.”
Sa eulogy ng kanyang mga staff na naging katulong ni Tony sa Public Service program, ngayon nila na realize ang value ng pagiging terror sa kanila ni Tony Calvento. Ang sermon araw araw, ang bulyaw na kanilang tinatangap, ang insulto at suspension sa trabaho ng ilang araw, ang lahat ng ito ang siyang nagpatibay at nagpa tatag sa kanilang pagka-tao, ayon sa kanilang sharing.




LAST WISH
Wala pa akong nakitang labi na nakahimlay sa kanyang casket o coffin na nakasuot ng colored glasses, maliban kay Tony Calvento.
Sa unang araw ng burol ni Tony, wala pa itong suot na sunglasses, naitanong sa akin ni JC Calvento, ang nakatatandang anak kung dapat bang pag suotin ng colored glasses ang yumao gayon hindi ito practice o nakagawian para sa mga pumanaw.
Ang sabi ko, wala naman sigurong masama kung sundin ang huling habilin ng kanyang Ama. Kaya sa aking eulogy, aking pinaliwanag na ito ang kahilingan ng yumao bago siya namaalam. Dark glasses ang signature ni Tony Calvento, buti na lamang kahit na colored ang eyeglasses ay transparent naman ang pinasuot kay Tony.
REY LANGIT: “Dahil kung dark glasses ang pinasuot sa kanya, hindi mo made-determine kung siya ay nakatingin din syo habang nagaganap ang viewing.”
Naging masaya ang eulogy ni Tony Calvento. Nai-share ko na sa mga taimtim na panalangin, madalas na napag bibigyan tayo ni Lord.
WISHFUL
Noong ako ay nag sisimula pa lamang sa aking career, dahil sa ako ay news writer pa lamang noon at sa tuwing iyaabot ko ang mga News items na aking sinulat para basahin ng Announcer/newscaster ay napapabulong ako ng- ..
REY LANGIT: ” Magkasakit ka sana- magka sakit ka sana.”
Nagka SAKIT nga! Dahil maganda naman ang ating hangarin na magkaroon lang ng break, nagka sakit nga ang News Anchor hindi naman malubha at ako ang pumalit. And rest was history.
Pero nai-share ko sa eulogy ni Paring Tony na mag ingat din tayo sa ating mga kahilingan kay Lord. Bagamat gustong gusto niya tayong matulungan lahat at mapag-bigyan ang ating mga panalangin.
Tulad noong minsan isang kilalang columnista sa pahayagan ang naglaro ng Golf at dahil sa ganda ng kanyang laro, at halos hole-in-one ang kanyang bola nang paluin niya ito. Hindi siya makapaniwala at hindi niya napigilan ang kanyang sarili sa excitement. Tumingala siya at itinaas niya ang kanyang dalawang kamay at pasigaw na sinabing- .
“God, take me, take me!”
Kaagad naman siyang pinag bigyan ni Lord. Hindi na siya umabot nang buhay sa Ospital. Ito ay si Lito Catapusan, ng Manila Bulletin.


SENSE OF HUMOR
Sa eulogy ni Joe Taruc na dinaluhan namin nina Mike Enriquez ng DZBB at Noli De Castro ng DZMM. Naalala ko sa eulogy ni NOLI, sa pagwawakas ng kanyang mensahe nang bangitin ni Kabayang Noli ang mga katagang:
“Joe, See you soon! ”
Nasambit ko na lamang, na sana hindi nakikinig si Lord.
MY OPENING MESSAGE
Sa panimula nang aking pag bati sa mga naroroon sa loob ng Chapel 3, sa HERITAGE PARK, Taguig noong biernes ng gabi. At dahil sa nasulyapan ko si Father Jojo (na common friend) mula sa San Carlos Seminary. Nasabi ko tuloy na:
“ Forgive me, Father, for I have sinned. My last confession was years ago and I wish to tell you some of my escapades with Tony Calvento.”
Ganoon na lamang masayang reaction ng mga dapat ay nagda dalamhati. At dito ko sinambit na kung hindi nagugustuhan ni Tony ang aking mga anecdotes tungkol sa kanya ay mag bigay lang siya ng hudyat o sinyales upang hindi ko na ituloy ang aking eulogy. Ganoon na lamang ang tawanan ng maraming nakikinig.
MANIFESTATION
Makalipas pa lamang ng ilang minutong pag lalahad ko ng kuwento tungkol sa naging away nila ni Mon Tulfo at Tony Calvento, kung papaano ko sila muling pinagbati at pinagkamay na dalawa.
Unti unti nang nawawala ang tinig ko sa speaker. Pawala-wala na ang sound ng microphone. Hangang sa tuluyang mawala completely ang tinig ko sa microphone habang akoy nag lalahad ng aking eulogy.
Maniniwala ba kayong humiwalay ang wire na naka-dugtong sa microphone na walang umuhugot. Hindi normal na pangyayari, dahil ang microphone ay laging naka-lock sa karugtong na wire nito.
At nasambit ko na lamang ang mga katagang:
“Huwag kang mag alala Paring Tony, tatapusin ko na ang aking Eulogy.”
Aking napasaya ang laganap na kalungkutan ng gabi ng Oct 13, 2017. Ang eulogy ni Paring Tony ay umabot ng hating gabi ng BIERNES TRESE! Good luck Paring Tony sa yong bagong Journey, give my best regards sa aking anak na si Reyster.
Tulad ng Awitin:
“You take the high road
I’ll take the low road
And we will meet again
Farewell my friend.”